Nagpatawag si Satanas ng isang malaking pulong at pagtitipon sa lahat ng mga demonyo sa buong mundo… at sinimulan niya ang pambungad na pagbati ng ganito: “Hindi natin mapigilan ang mga mananampalatayang Kristiano na pumunta sa simbahan para manalangin. Hindi rin natin sila kayang suwayin na mahulog nang lubusan ang kanilang loob sa Diyos na lumikha sa kanila.
Kapag nagpatuloy ang ganitong ugnayan nila kay Hesus — mawawala na ang ating kapangyarihan sa lahat ng tao para mapabilang sa atin. Kaya pabayaan natin silang pumunta sa simbahan, pabayaan nating mabusog sa kadadasal hanggang gusto nila — pero nakawin natin ng palihim ang mga oras nila para mawalan sila ng panahon na makipag-ugnayan kay Hesus!”
“Ito ang gusto kong gawin ninyo: libangin o abalahin ang mga tao sa daigdig para malipat ang kanilang isip sa bagay-bagay ng kamunduhan at mawala kay Hesus ang atensyon sa araw-araw ng kanilang pamumuhay.”
“Paano namin gagawin na libangin at abalahin ang mga tao?” sigaw ng mga kampon niyang demonyo. “Panatilihin ninyo silang abala sa mga bagay-bagay na walang kabuluhan sa pang araw-araw na pamumuhay at umisip kayo ng mga gagawin nila para doon lamang nakatuon ang kanilang mga pag-iisip” sagot ni Satanas.
“Tuksuhin ninyo silang gumastos, mag-aksaya, mag-pasasa, manghiram at mangutang. Ulukan ninyo na magtrabaho ang kani-kanilang mga asawang babae at pabayaang magtrabaho ng matagal at mahabang oras — at gayundin ang asawang lalake naman ay magtrabaho din ng anim hanggang pitong araw sa isang linggo at sampu hanggang labing-dalawang oras sa isang araw — para mawalan sila ng panahon at oras sa kanilang mga anak at pamilya sa tahanan. Sa pagtatagal, ang kanilang mga pagsasama ay rurupok at tuluyan nang mawawala ang magandang relasyon nila sa isa’t isa dahilan sa dami at bigat ng pagtatrabaho — na magiging kahinatnan ay ang pagkawasak ng pamilya.”
“Pilitin ninyong pag-ibayuhin ang sentro ng kanilang pag-iisip sa mga bagay ng kamunduhan para maski katiting ay di nila maisip ang magdasal at maalala ang dinidiyos nilang si Hesus. Pabayaan ninyo silang magpatugtog ng kanilang radyo o kaset tuwing sila ay magmamaneho — at gayundin ang pagbubukas, pakikinig at panonood ng kanilang mga telebisyon, VCR, CD, DVD, cellphone at computer sa kanilang tahanan. Siguruhin din ninyong ang mga tindahan at mga kainang restoran ay mga magugulo at hindi relihiyosong musika ang pinatutugtog para tuluyan nang mawala sa kanilang isip si Kristo. Punuin ninyo ang kanilang lamesa ng mga magasin at diyaryo. Bombahin ninyo ng 24 na oras na balita sa diyaryo at telebisyon ang kanilang mga utak. Libangin ninyo ng naglalakihang karatula (billboards) ang mga daan habang sila ay nagmamaneho. Bahain ninyo ng kung anu-anong sulat, koreo, e-mail, lotto, sweepstakes at promosyonal na propaganda at libreng serbisyo ang kanilang tahanan.”
“Pabayaan ninyong makakita ang kanilang mga asawang lalaki ng mga naggagandahan at balingkinitang mga babaeng modelo sa magasin at telebisyon at papaniwalain na mas importante ang panlabas na kagandahan kaysa kalooban para tuluyan nang hindi makuntento sila sa kanilang asawa. Pabayaan ninyong mapagod ng sobra ang asawang babae sa trabaho para mawalan na siya ng pag-aasikaso sa asawa pagdating ng hatinggabi. Bigyan ninyo din sila ng sakit ng ulo! Kung hindi na sila makaganap sa pagiging isang mapagmahal na maybahay ay mapipilitang humanap ng ibang babae ang kanilang esposo. Ito ang mabilis na magpapalamat at magpapalaot sa kanilang pamilya. Bigyan din ninyo sila ng Santa Claus para makalimutan ng kanilang mga anak ang tunay na kahulugan ng pasko. Dalhin ninyo sila palagi sa mga kasayahan, piknik, outing, sinehan at bulwagan ng kantahan. Panatilihin ninyo silang abala, abala, abala, at ABALA PA! Magiging matagumpay tayo! Matagumpay! Siguradong MATAGUMPAY!”
At nagsigawan habang paalis ang mga kampong demonyo ni Satanas para isakatuparan ang kanilang mga balak.
Alam natin na nangyayari at NANGYAYARI NA ang kanitong eksena para sa ikahuhulog ng maraming mga KALULUWA.
Ikaw… NAHULOG KA NA BA?
Ito ay isa lamang sa mga leaflet na ipinamimigay sa mataong lugar lalo na sa ganitong panahon ng kwaresma. Ayon dito, ito ay galing kina Kid at Gay Villapando, mga misyoneros at ito ay sinimulang ipamahagi noong Setyembre 08, 2006 pa.
Nang mabasa ko ito, napaisip din ako, nahulog na nga ba ako? Isa na nga ba ako sa recruit ng mga kampong demonyo ni Satanas? E ikaw, isa ka na din ba sa napakaraming nahila nila pababa at palayo kay Hesus?



Be First To Comment
Related Post
Leave Your Comments Below