Google
 

Monday, November 5, 2007

Wag Kang Manakot Kung Ayaw Mong Ikaw ang Matakot

Mukha bang walang sense? Nangyari sa akin ito kagabi. Nakakatawa pero nakakatakot!

Paano ba naman, kagabi ay magkausap kami ni EM sa cellphone at inuubos namin ang load ng Sun dahil mag-eexpire na sya pagsapit ng 12 midnight at kung bakit sa huling ilang minuto ng usapan ay naging topic namin ang tungkol sa mga patay, multo at kung anu-ano pang katatakutan.

Nagsimula ang lahat nang sinabi nyang parang may nagbukas ng pintuan nila sa baba, at sabi ko ay baka white lady. Wag daw akong manakot kasi nag-iisa na lang syang gising. Halos gisingin pa nya ang katabi nya para daw pag totoong may multo ay may kasabay syang sisigaw.

Tawa ako ng tawa lalo na nung sumilip sya sa pintuan ng kwarto at nakita nya ang puting bagay na gumagalaw sa bandang labas ng kwarto nila. Muntik pa syang mapasigaw nung biglang nakita nya ang tatay nya. Akala nya multo ha-ha-ha-ha!

Naubos na ang load. Nag-expire na.

Ilang minuto ang nakakaraan, nakapikit na ako at matutulog. Biglang nawalan ng kuryente! Waaaaaaaaahhhh!!!

Mainit... Madilim... Tahimik... At naaalala ko yung usapang kakatakutan namin.

Kaya pumunta ako sa kwarto ng nanay ko at nakitabi muna dahil dun ay malamig, pero hindi ako sanay nang may katabi. Kaya bumangon ulit ako at nakita ko ang kapatid kong naghahanap ng kandila, at humingi rin ako. Nang pagpasok ko sa kwarto, may pusang nag-mi-meow.

Nagulat ako, kinabahan. Binugaw ko ang hindi ko pa nakikitang nilalang. Lumabas ako at tumahimik ang pusa kaya pumasok na ulit ako. Ayun ulit ang ngiyaw ng pusa.

Inayos ko muna ang gamit ko kahit medyo nagtataka na kung bakit may pusang di matahimik sa labas pero parang napakalapit lang nya.

Pagsilip ko sa ilalim ng higaan ay nakita ko ang pusang malaki na nag-go-glow ang mata.

Napakaripas tuloy ako ng takbo sabay sigaw ng "mama!!!!" (laughing out loud). Nagising ang nanay ko at halos pagalitan nya ako.

Sinilip nya ang pusa na nakalimutan nyang may kandila malapit sa kanya, kaya muntik na masunog ang buhok nya. (natawa ako dun ahahahaha)

Sumilip din sa kwarto ko ang nagpipigil ng tawa na kapatid ko.

Pagkatapos mapalabas ang pusa, at nang mahimasmsan ako ay tinawagan ko si EM, sinabi ko ang nangyari at tinawanan nya ako... kasi daw nananakot ako, ako tuloy daw ang natakot.

Buti na lang at pagkalipas ng humigit-kumulang na sampung minuto, nagkakuryente na din. At nakatulog na ako (habang nakabukas ang radyo at pilit kinakalimutan ang katatakutang nangyari).

AddThis Social Bookmark Button